Isa sa inaabangang entry noong 4th Cinema One Originals Digital filmfest ang Dose na idinerehe ng award-winning screenwriter na si Senedy Que (co-writer ng Mga Munting Tinig, Homecoming, at sa nalalapit na Vilma Santos-John Lloyd starrer, In My Life). Kasama sa kontrobersiyal na pelikula sina Yul Servo (Cinemanila at three-time Brussels International Film Festival Best Actor) at Emilio Garcia (Urian Best Supporting Actor at back-to-back Star awardee para sa Best Supporting Actor). Bilang bahagi ng proyektong ito, nagdala ang dalawang aktor ng kakaibang kredibilidad sa pelikula.
Kasama rin sa Dose ang kilalang stage actress na si Irma Adlawan, indie actor Ray-An Dulay, at ipinakikilala ang 11 year-old na si Fritz Arvhie Chavez na nominado para sa Golden Screen Breakthrough Performance of the Year, bilang ang batang pumapagitna sa kuwento ng pag-ibig, kapusukan, at kawalan ng pagiging inosente.
Mapapanood ang Dose mula sa point of view ng isang bata (na magiging filmmaker pagtanda). Isa itong pelikula sa loob ng isa pang pelikula na nawawala ang pagkakaiba ng katotohanan sa kathang-isip. Pinag-iisip din nito ang mga manonood kung ano ang tama sa mali. Ang atensiyon ng bata para sa matandang lalaki ay maaaring ikagulat ng marami ngunit ang kanilang pagmamahalan para sa isa’t isa ay walang kondisyon.
Ani Yul, hindi naging mahirap ang paggawa ng maselang eksena kasama ang batang lalaki na si Fritz. “Bago ko tinanggap ‘yung trabaho, binasa ko muna ‘yung script. Napakaganda ng role.” Sa pag-udyok ng kanyang manager at filmmaker na si Maryo J. delos Reyes, tinanggap ni Yul ang karakter bilang Danny. Hindi niya inaasahan na ito ang magiging daan upang umangat siya bilang isang aktor.
Base sa isang review, “Servo plays Danny smashingly. Almost innocent in the embrace of his own charisma, but also somewhat calculating, Danny is light and dark, a devil that’s also the only guardian angel around..”
Sa paglipas ng panahon, naging isang seryosong aktor na si Servo. Nakamit niya ang Cinemanila Best Actor Award sa pagganap bilang isang Pinoy teener sa 2001 Batang West Side. Mula noon, nakasama na niya ang malalaking pangalan sa industriya ng pelikula tulad nina Gloria Diaz at Joel Torre sa Batang West Side, Albert Martinez at Elizabeth Oropesa sa Laman (na nanalo siya ng Best Actor sa 2003 Star Awards), at Superstar Nora Aunor sa Naglalayag.
Ang husay ni Yul sa pag-arte ay angat sa iba. Nakikilala na rin siya maging sa mga international film festival juries. Nauwi ni Yul ang dalawang Best Actor trophies noong nakaraang taon mula sa 35th Brussels International Independent Film Festival para sa Torotot at Brutus. Nakamit din niya ang Best Supporting Actor award mula sa Cinemalaya noong nakaraang taon para sa Brutus.
Bagamat nakasama rin sa sexy film bandwagon noong dekada ’90, nakilala si Emilio bilang tunay na aktor. Nanalo ito ng Urian Best Supporting Actor trophy at Best Actor award sa 49th Thessaloniki International Film Festival sa Greece noong nakaraang taon para sa pelikulang Selda, isang drama tungkol sa dalawang preso na nagkarelasyon. Sa Walang Kawala, ginampanan niya ang komplikadong karakter ng isang lalaking nambubugbog ng asawa. Nakakuha siya ng iba’t ibang positibong komento at reviews para rito. Hindi na problema para kay Emilio ang gumanap bilang isang bading o straight na lalaki.
Kaya huwag palampasin sina Yul at Emilio sa kanilang unang pagsasama sa pinag-uusapang pelikula ng 2009!
No comments:
Post a Comment