Ang napagkaisahan nilang patalsikin ay ang professional model na si Vlad Nesas dahil sa pagiging tuso nito sa kanyang mga kasamahan. Nakakuha si Vlad ng kabuuang limang boto, samantalang si Louie Ang naman ay nakakuha ng dalawang boto.
Sa kanyang exit interview, sinabi ni Vlad na inaalala raw niya ang "best interest" ng kanilang trino, pero hindi raw iyon nakita ng kanyang mga kasamahan. "Pinuri" rin niya si Louie dahil sa husay raw nitong "manloko at magpaikot."
SWITCHING TRIBES. Bago ang Reward Challenge sa pagitan ng Airai at Koror ay nagulat ang mga nalalabing castaways nang i-announce ng host na si Paolo Bediones na magkakaroon ng pagbabago sa kani-kanilang tribo.
Inutusan ni Paolo ang castaways na tanggalin ang kanilang buffs—na sumisimbolo sa kinaaaniban nilang tribo—at pumili ng blindfolds na gagamitin nila sa pagpili ng kanilang bagong tribo mula sa green at orange parchments. Ang green ay para sa Koror at ang orange ay para sa Airai.
Nanatili sa Koror sina Marvin, Suzuki, at Echo, samantalang nadagdag naman sa kanila ang mga dating taga-Airai na sina Shaun, Amanda, at Jef.
Nanatili naman sa Airai sina Cris, Troy, Vlad, at Mika, samantalang nalipat sa kanila ang mga dating taga-Koror na sina Louie, Charles, at Tara.
May naging masaya sa naging pagpapalit ng tribo at meron namang hindi.
Dahil sa pagbabago ng bawat tribo, naapektuhan bigla ang diskarte at alyansa ng mga castaways. At dito na nga nagsimula ang "gapangan" upang makapagsimula sila ng panibagong alliance at iligtas ang kanilang sarili pagdating ng Tribal Council.
REWARD CHALLENGE. Pagkatapos magpapalit-palit ng mga miyembro ang Koror at Airai, sinimulan na rin agad ang Reward Challenge.
Sa challenge na ito, binigyan ang bawat tribo ng kani-kanilang giant map ng Palau, kasama na ang 16 states nito at slots para sa kani-kanilang flags. Kailangang lumangoy ng castaways papunta sa kanilang cheat board para malaman nila kung saan dapat ilagay ang bandila ng partikular na state. Mula sa cheat board, kailangang kunin ng castaways ang isang flag at lumangoy pabalik sa giant map, kung saan nila kailangang ilagay ang bandila sa slot nito. Ang unang team na makakumpleto ng paglalagay ng 16 flags sa tamang puwesto nito ang siyang mananalo.
Ang reward: isang kariton ng ilan sa pinakapaboritong streat foods ng mga Pinoy—gaya ng fishballs, kikiam, tukneneng—at isang cart ng samalamig.
Ang bagong Airai ang nanalo sa challenge.
Pagkatapos ng Reward Challenge ay bumalik na sa kani-kanilang kampo ang Airai at Koror, kung saan ipinakita ng mga natirang miyembro ang kanilang kampo sa mga bago nilang kakampi.
Pero hindi pa man sila nagtatagal ay may ilan na sa kanila ang nagplano ng kanilang susunod na hakbang, partikular na sa Airai kung saan sinabihan ni Vlad sina Charles at Louie na kalimutan na nila ang samahan nila sa dati nilang tribo at umanib sa alyansa nila.
THE IMMUNITY CHALLENGE. Muling nagharap ang bagong Airai at bagong Koror sa Immunity Challenge, kung saan sinabi ni Paolo na may kasamang reward para sa tribe na mananalo sa challenge.
Inabot ni Paolo sa castaways ang mga litrato ng kanilang mga mahal sa buhay, na nagpaluha at nagpalambot ng puso ng castaways. Sinabi rin ni Paolo na ang sinumang mananalo sa challenge ay makakatanggap din ng sulat mula sa kanilang mga mahal sa buhay at iba pang mga litrato. Binasa pa nga ni Paolo ang ilan sa nilalaman ng mga sulat para kina Vlad at Echo, na nagpaluha na naman sa huli.
Sa challenge, anim na castaways ang ikukulong sa isang steel cage habang hinahanap nila ang anim na rai stones (giant limestones na may butas sa gitna na nagsilbing pera sa Palau noong unang panahon) sa loob ng kagubatan. Kailangang makuha ng castaways ang anim na rai stones na nakalagay o nakatago sa anim na stations.
May mga hooks na nakapalibot sa steel cage kung saan nila isasabit ang rai stones. Kapag nahanap na nila lahat ng rai stones, kailangan nilang pumunta sa kani-kanilang tribe mats kung saan kailangan nilang ilagay ang lahat ng stones sa isang weighing scale, na mag-aangat naman sa susi na magbubukas sa apat na padlocks ng kanilang cage. Kapag nakawala na ang castaways, kailangan nilang tumakbo pabalik sa kanilang starting base. Kung sino ang unang makarating doon ang siyang mananalo at makakakuha ng mga sulat mula sa kanilang mga mahal sa buhay.
Maagang nakaungos ang Koror at hindi na nakahabol ang Airai. Sa huli, naipanalo ng Koror ang kanilang ikalawang Immunity Challenge.
Pagkatapos nilang matalo sa challenge, halos magmakaawa si Vlad kay Charles na iboto nito si Louie sa susunod na Tribal Council. Ang hindi alam ni Vlad ay nasa likuran lang nila si Mika at napakinggan ang usapan.
Nang ipaalam ni Mika ang kanyang presence ay sinabi ni Vlad na si Louie ang "mastermind" at gusto raw nitong ilaglag si Mika at si Tara.
Pagbalik nila sa camp, hindi nagsayang ng oras si Vlad at sinabi niya agad kina Mika, Tara, Troy, at Charles ang "master plan" ni Louie. At napagkasunduan nila na si Louie ang tanggalin nila sa Tribal Council.
Nakarating naman kay Louie ang sinabi ni Vlad mula kay Cris, at nagulat siya na may ganun palang plano si Vlad laban sa kanya. Kaya nagplano naman si Louis na si Vlad ang tanggalin sa Tribal Council.
Sa huli, mas pinaboran ng nakararami na si Vlad ang tanggalin.
MAYA VS. JUSTINE. Matatandaang sa unang Tribal Council ng Airai ay pinatalsik nila ang lady pilot na si Maya Segovia.
Pagkatapos ma-vote out ni Maya sa huling Tribal Council ay dinala siya sa Isla Purgatoryo kung saan kailangan niyang harapin si Justine sa isang face-off challenge. Ang sinumang manalo sa kanila ang siyang makakakuha ng Immunity bracelet at mananatili sa Isla Purgatoryo ng tatlo pang araw hanggang sa dumating ang susunod na castoff.
Ito na ang ikalawang face-off challenge ni Justine pagkatapos niyang talunin si Ma'am Carol sa una.
Nang malaman ni Justine na sundalo pala si Maya ay nag-alala siya sa kanilang magiging challenge. Pero nanaig pa rin si Justine sa huli nang talunin niya si Maya sa kanilang face-off challenge.
Dahil dito, tuluyan nang napatalsik sa Survivor Philippines: Palau si Maya.
Sa pagkakatalsik ni Vlad, siya naman ang makakaharap ni Justine sa susunod na face-off challenge.
No comments:
Post a Comment